Sa Mundo
Tama ka
maraming pangit na bagay sa mundo.
Naririyan
ang digmaan
ang sakit at kahirapan
ang panlalait at panlilinlang ng kapwa
ang mga krimen at mga kalamidad.
Mga bagay na kadalasan
ay kayhirap unawain at tanggapin...
mga bagay na kadalasan
ay nagbibigay ng katanungan
bakit nga ba nagaganap?
Subalit sa mundo
mayroon din namang magagandang bagay
na sa aking paniniwala
ay higit pa sa sapat
upang ating ipagpatuloy
ang buhay.
Naririyan
ang pamilya at mga kaibigan
ang pag-ibig at mga pangarap
at higit sa lahat, naririyan
...ang pag-ibig ng Diyos.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Related quotes
Salamat Kaibigan
Salamat at ika'y naririyan
kasama kong humahalakhak
sa tuwa.
Salamat at ika'y naririyan
kasama kong umiiyak
sa dusa.
Salamat sa iyong mga palakpak
sa aking kantang di kasing galing
ng isang tunay na mang-aawit.
Salamat sa iyong mga sermon
sa mga pagkakataong
ako'y mali.
Salamat sa pagtulak sa akin
upang abutin
aking mga pangarap.
Salamat at ika'y naririyan
....kaibigan.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Lando
Wag kang mabahala may nagbabantay sa dilim
Nakaabang sa sulok at may hawak na patalim
Di ka hahayaan na muli pang masaktan
Wag ka nang matakot sa dilim
Ito ay kwentong hango na galing sa dalawang taong
Nagmamahalan ng tunay ang ngala'y Elsa at Lando
At kahit parang pagkakataon ay nakakandado
Dahil magkalayo ang uri ng buhay ang estado
Ng buhay ni Lando ay di nalalayo sa marami
Sinunog ng araw ang kulay ng balat at marami
Ng galon ng pawis ang kanyang naidilig sa lupa
Upang ang gutom ay di na masuklian pa ng luha
Habang ang babaeng kanyang minamahal ay sagana
Ngunit kabilang sa pamilya na di alintanang
Makipagkapwa-tao sa mga tulad niyang dukha
Gayon pa ma'y patuloy ang pagmamahal na pinula ng pagibig
Repeat Chorus
Kahit na ano pang bagay ang pilit na ihadlang
Sino man ay walang makakapigil sa paghakbang
Ng mga paa na ang nais ay marating ang ligaya
Niyayang magtanan di nag-atubili na sumama
Hawak ang pangarap at pangako sa isa't isa
Nagpakalayo-layo di namuhay na may kaba
Dahil alam nila na sa bawa't isa'y nakalaan
At ang pagmamahalan tangi nilang sinasandalan
Wala ng ibang bagay pa silang mahihiling
Kundi isang pamilya sa loob ng apat na dingding
At isang bubong na maaaring tawaging tahanan
Bakit may pangit na kabanatang kailangang daanan pa
Repeat Chorus
Isang gabi na Huwebes lumubog na ang araw
Doon tayo magkita pasalubong ko'y siopao
Upang ating paghatian pagdating ng hapunan
Meron palang nakaabang sa amin na kamalasan
Eskinita sa Ermita may sumaksak kay Elsa
Sa tagiliran isang makalawang na lanseta
Ang gamit upang makuha lang ang kanyang pitaka
Kami'y mahirap lamang bakit di na siya naawa
Hindi ko naabutang buhay ang aking mahal
At hanggang sa huling hantungan ay nagdarasal
Bakit po bakit po ang laging lumalabas
Sa ‘king bibig palaboy-laboy ni walang landas
Akong sinusunod baliw sa mata ng marami
Siguro nga di ko na kilala aking sarili
Pangala'y taong grasa may patalim na gamit
At ang tanging alam ay isang malungkot na awit
At ang sabi…
Repeat Chorus
Wag ka nang matakot sa dilim…
poem by Sirius White

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Pagsintang Bawal
Batid ko ang dapat gawin
Iwaksi ang mali at tama ang piliin
Subalit paano pipigilin
Ako'y alipin ng aking damdamin
Ramdam ko'y pag-ibig ngayon pa lang dumating
Parang isang batang na love at first sight man din
Sa kabila ng lahat kong pagsikil
Di maitago nag-uumalpas kong damdamin
Sana lang di na kita nakilala pa
At nasilayan ang maamo mong mukha
Sana'y di mo na tinapunan pa
Ng isang ngiting puno ng pagsinta
Upang sa gayon ako'y hindi nabahala
At hindi na muling umibig pa
Subali't maaaring ako'y manghinayang
Kung pag-ibig na wagas ay di naranasan
Kahit pa ito'y pagsintang bawal
Masarap damhin at buhay ay may kulay
Ngunit ano ang sasapitin
Ng isang pag-ibig na di dapat atin
Mabuti pang ito ay putulin
Habang ang tadhana'y kampi pa sa atin
poem by Rose de Ramar

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Nectar, Tears and Blood
Araw na nagdaan natin nilingon ko
Aking inaninaw, dahilan ba'y ano
Landas ng puso ko't landas ng puso mo
Ay nagkahiwalay, may sala ba'y sino
Tayo'y nagsumpaan na magmamahalan
Sa simula hanggang magpakailanman
Ang mga araw na sa ati'y nagdaan
Ay alaala na kay tamis balikan
Sa mga gabi na tayo'y namamasyal
Mga halakhak mo'y kay sarap pakinggan
Matamis na halik, sa iyo natikman
Di ko hahanapin kahit kanino man
Ang mga pangarap natin ay binuo
Parang ng panahon, di kayang iguho
Ang namagitan sa atin na pag-ibig
Nectar ang katulad, walang gasing tamis
Ngunit bakit ganoon, hindi natagalan
Puso mo'y nalihis, ng landas naligaw
Ang iyong puso ay naging salawahan
Ang aking pag-ibig, iyong sinuklian
Ng di pag-ibig din kundi kataksilan
Tula ng pag-ibig natin ay natala
Sa papel ng dusa, tinta'y aking luha
Ang taksil mong puso ay nais bumalik
Sa puso kong wasak, sa sakit na'y manhid
Di ko matatanggap ang iyong pag-ibig
Pag ako'y lumingon, aking nadadama
Ang pait ng iniwan mong alaala
Nakaraan nati'y may bahid ng dugo
Ng aking naluray, nadurog na puso
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Matanda Sa Munting Dampa Sa Gitna Ng Mga Puno Ng Bayabas
Doon sa munting dampa
sa gitna ng mga puno ng bayabas
nakatira ang isang matandang
walang makapagsabi
kung lalaki o babae.
Mula sa malayo'y
tanging maputi niyang buhok
ang aking natanaw
dahil sa mga kahoy na bakod
na nakapalibot
sa kanyang munting paraiso.
Kanyang kuwento'y
di ko gaanong narinig
sapagkat sa mga kapitbahay
siya'y walang ugnay
tanging alam ng lahat
siya'y nag-iisa't matagal na doon
at baka pa nga daw aswang
kaya't sa kanya'y
walang nagtangkang lumapit.
Sa gabi'y
tanging liwanag niya'y
lamparang hindi man kasing liwanag
ng bombilyang aming gamit
kapag yao'y aking natanaw
naruon ang init
at hindi ang panglaw.
Ang matanda sa munting dampa
sa gitna ng mga puno ng bayabas
sa kanya ako'y naninibugho
sa buhay niyang datapwat aba
sa paningin ng marami
ay malayo sa ingay ng mundo
malayo sa nakakasilaw
na mandarayang liwanag
ng mundo.
Subalit,
sa luho, luha at tuwang
aking natikman
kasama ng mga kaibigan at pamilya
natitiyak kong aking buhay
kailanma'y di maging tulad
ng kanya.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
TRECE AÑIO DE AMO (13 years of love)
Nakasanayan ko nang ilapat sa tula,
aking nadarama...
Kadalasan kase di ko masabi,
mga katagang dapat ay sinasabi...
Sa ika-13 taon ng ating pagsasama
Di ko ma plano ang mga dapat sinta...
Gusto kitang masolo,
Yung tayo lang at wala ng iba
Gusto kong magpasalamat
Sa pagmamahal na iyong pinadama,
Pang unawa sa mga pagkakataong
Di ko na kaya...
Sa iyong katapatan, Sa ating pagsasama
Maraming salamat aking sinisinta...
Aking dalangin at sanay laging dinggin...
Tanglaw at liwanag ng Panginoon
Ay patuloy na magningas sa mga puso natin
Maraming salamat...salamat sa mga panahon
Na sa amin ay ginugol...
Lagi mong tatandaan,
Di ka maaalis sa aking puso,
Hanggang sa huling hibla ng buhay ko....
Happy 13 years of Love...
Happy anniversary daddy
poem by Ana Maria Ogena Rosarda

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Patawad
Marami nang taon ang nakakalipas
Nang ng isang dilag pansin mo'y natawag
Ang kutis at tindig niya ay katamtaman
Di man pambihira ang niya'y kagandahan
Maayos ang kilos, maganda'ng ugali
Kaya ang puso mo'y kanyang nabighani
Simula noon ay iyo nang ninais
Na ang damdamin mo'y maipahiwatig
Sa isang sulat ay iyong naihatid
Ang tinataglay mong lihim na pag-ibig
Kinabukasan ang sulat mo'y sinagot
Ika'y nasiyahan, gumaan ang loob
Ikaw ay binigyan niya ng pag-asa
Mula noon ikaw ay laging masaya
Ang iyong pag-ibig ay kanyang tinanggap
Pagmamahalan ninyo'y sumibol agad
Kayo'y nagsumpaan na magmamahalan
Sa simula't hanggang magpakailanman
Mga araw na sa inyo'y namagitan
Ay alaalang kay tamis na balikan
Paggawa ng parol, magkatulong kayo
Pag may simbang gabi't malapit na'ng pasko
Kapag simbang gabi, kayo'y magkasabay
At naglalakad na magkahawak-kamay
At kapag sa ilog siya'y naglalaba
Ika'y nakabantay, minamasdan siya
Ngunit bakit gano'n, hindi natagalan
Puso mo'y nalihis, ng landas naligaw
Sukdulang naapi ang kanyang pag-ibig
Nang sa ibang dilag ikaw ay naakit
Labis sa kamay mo, puso niya'y nasaktan
Ang kanyang pag-ibig, iyong sinuklian
Ng di pag-ibig din kundi kataksilan
Ang mga palad mo'y may bahid ng dugo
Ng kanyang naluray, nadurog na puso
Ng sariling budhi ika'y binagabag
Sa kanya ikaw ay labis na nahabag
Huli't walang silbi, magsisi man ikaw
Sa ibang babae ikaw na ay kasal
Na higit sa lahat ay iyong minahal
Sa iyong buhay ay merong mga araw
Na katahimikan ay di mo matagpuan
Dahilan ba'y ano, iyong iniisip
Ikaw ba ay kanya pa na iniibig
O kanyang sinumpang magbata ng sakit
Siya'y nangibang-bansa upang makalimot
At upang mapawi ang sama ng loob
Doon niya nakita, doon nakilala
Lalakeng kapalit mo sa puso niya
Iyon ba ay iyong dapat ikagalak
Ibig sabihin ba'y ika'y napatawad
Sa salang ginawa mo't iyong ginanap
Na iwanan siyang ang puso ay wasak
Sa tanong na ito'y sino ang sasagot
Wala kundi siya at Panginoong Diyos
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Pagmamahal ng Isang Ina
Sa ating buhay ay mayroon pa kaya
Na sa ating ina'y higit pang dakila
Ina na nagtaya ng sariling buhay
Nang sa mundong ito'y tayo ay isilang
No'ng ako ay sanggol, batang maliit pa
Ay alam ni Inay pag ako'y balisa
Siya ay babangon, niya'y aalamin
Kung bakit ganoon, ano ba ang dahil
Kapag nalaman niyang ako'y nagugutom
Niya'y isusubo sa akin ang tsupon
At kapag malamig, ako ay naginaw
Ako'y mababalot ng yakap ni Inay
Kapag merong langgam siya na nakita
Agad papalisin, titirisin niya
Ang lamping nabasa, kanyang inaalis
Ang bago at tuyo kanyang ipapalit
Ako ay lumaki at na ay nag-aral
Siya pa rin ang sa landas ko'y tumatanglaw
Ako'y nagbinata, hanggang maging tao
Siya pa rin ang ilaw at tanging gabay ko
Ganyan kung paano magmahal ang ina
Wala siyang katumbas, walang hihigit pa
Ngayong siya'y malayo, meron akong hiling
Muli, sana siya ay aking makapiling
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Bawal Na Pag-ibig
Ang pag-ibig mo
ang pag-ibig ko
di maaring ipahayag
di maaring angkinin.
Kapag aking idinadalangin
na ang pag-ibig na para sa iyo
ay iyong makamtan
ang puso ko'y naghuhumiyaw
sa pagtanggi.
Magkagayunpaman
ay idadalangin ko pa ring
iyong makamtan ang pag-ibig
na maaari mong ipagmalaki.
Ang pag-ibig mo
ang pag-ibig ko
di maaring ipahayag
di maaring angkinin
sapagkat ito
ay bawal.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa Iyo
Salamat
Kahit papano, naging tulay ka sa pagbabago ng buhay ko,
Nagbigay ng 2 anghel sa mundo,
Nawala man ang isa,
Cya ang anghel na aagapay sayo at ako...
Nawala man tayo,
Maging magandang simbolo ka sana ng anak mo na asa tabi mo..
Kaibigan pa rin ang turing ko sau at ama ng anak ko,
Kahit naging pangit ang buhay nating binuo,
Naging maganda ng wala na tayo.
Ang anghel nating natitira sa mundo, pakaalagaan mo,
Cya lng ang mundo ko at buhay mo,
Ngayung meron ka ng bago,
Wag mong iwaglit ang anak ko..
Alam ko mahal mo ang balong ko,
Gusto ko lang ipaalala sayo,
Kung ano nakikita nya,
Tumatatak sa isip nya.
Sana kahit sinusunod ka nya,
Isipin mo sana, nasasaktan na cya,
Pero wala ako reklamo sa pagpapalaki mo,
Dahil alam ko naging mabuti kang ama sa knya.
Nawala man tayo,
Tulad ng sabi ko,
Kaibigan pa rin turing ko sayo...
Dahil don tayo nagsimulang nabuo...
Salamat.....SA IYO.....
poem by Donna Delizo

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa Silong Ay May Ulupong
Ang mansanas
sa kanyang pulang seda
ay marikit na nakaupo
at naghihintay mahubaran
sa kanyang porselana
at sa tamang oras
ang mansanas
ay nakalalasing at
nakalalason din
Ang mga susi
na ating hinahagilap
at patuloy na hinahanap
na tila gintong pilak
ngunit walang sapat na hugis,
tunog, bigat o kasarian
ang siyang magbubukas
ng mga kandadong
kanilang ring isinara
Ang mga kalapati at uwak
magkaiba ang kulay,
magkaiba rin ang iyak
ang bagwis ay mayroong
magkaibang ingay
at magkaibang lakas
ngunit sa himpapawid
sila'y magkahalintulad
parehong tumatakas, lumilipad
Ang batis, ang lambak,
ang mariposa, ang bulaklak—
Ang lahat ng bagay,
sa pagitan ng bakuran
ng pagka-sagrado at kabaliwan
ay mayroong palapag
kaaya-aya sa unang baytang
ngunit sa silong
ay mayroong ulupong.
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Magbabalik Din - ang anak ng bayan
Ang anak ng Bayan
saan mang panig
ng mundo makarating
gaano man kalayo
sa lupang
kanyang sinilangan
siya ay magbabalik.
Kung sakali mang
siya'y mabigo
at sa lupang sinilangan
ay hindi makabalik
asahan mo
kabilang sa kanyang yaman
ay mga bagay
na puno ng alaala
ng lupang
kanyang sinilangan.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Identity Crisis
Sa aking buhay ay may mga komedi
Na naranasan ko, sila ay marami
na nakakatawa, so makinig kayo
Isa-isa sila'y isasalaysay ko
Isang araw ako ay nasa bangketa
Ang sasakyan kong dyip ay hinihintay pa
Nang sa akin ay mayroong kumalabit,
si Mr. C. Santos, Director ng Roosevelt
Ako ay natuwa, ako'y nasiyahan
Na kay daming taon na ang nakaraan
Ako'y binati niya't pa'y natatandaan
Isang bagay na di ko inaasahan
Sa isang student na hindi nag-excel
At sa kanyang iskul di naging outstanding
Ito'y isang honor nang maituturing
Isang karangalan na para sa akin
Matapos ang konting kwento't kumustahan
Si Mr. Santos ay sa 'kin nagpaalam
'O, TONY, diyan ka na, ako'y aalis na,
at kumusta ulit sa iyong pamilya.'
Nang si Mr. Santos, wala na't malayo
Ang naramdaman ko ay pagkasiphayo
Aking kasiyahan, napawi't umalis
Di ako si Tony, siya'y aking KAPATID
Isang araw naman, ako'y nakatambay
Do'n kay Pareng Miniong, sa kanyang tindahan
Dumating ang ex-Mayor ng Marikina
Si Hon. Gil Fernando at wala nang iba
Ako'y kinausap, ako'y kinumusta
Ako ay natuwa, ako'y siyang-siya
Na akong anak ng dating ka-ticket niya
Ay natatandaan, kanya pang kilala
Narito ang siste, nang siya'y magpaalam
'O, aalis na ako't di na magtatagal
Sa iyong ama ay kumusta na lamang,
Kay Dr. Siasoco, aking kaibigan.'
Ako ay nanlumo, paano ba naman
Tatay ko'y Hernandez, Ayong ang pangalan
At siya'y hindi doktor, isang employee lang
Which only shows na 'ko'y napagkamalan lang
Mas masaklap itong aking ikukuwento
Sa isang bangketa'y naglalakad ako
Classmate sa grade school,19kopong-kopong
Nakangiti pa nang aking masalubong
Ang sabi niya agad, 'Kilala ko kayo.
Kayo'y taga-Nangka, natatandaan ko,
ang tatay ng kakalase ko'y di ba't kayo?
Ang ngalan niya ay Hernandez, Pacifico.'
'Ay! bakit ba ganoon, bakit ba ganito,
Paano bang ako ay naging tatay ko? '
'Biktima ka Amang ng Identity Crisis,
Pasensiya ka na lang at huwag mainis'.
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Katulad Ng Haring Araw
Ganyan nga kaibigan
hayaan mong mag-ingay ang mundo
subalit iyong puso'y payapain
at sa mukha'y
biglang laya ang iyong ngiti
katulad ng haring araw
tahimik lamang
na nagbibigay ng liwanag
sa sangkatauhan.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Bakit Ba?
Bakit ba
kayhirap mong abutin
animo'y bituin sa langit
tila kaylapit
ngunit di maabot.
Habang lalo kitang
nais matanaw
lalo namang
di ka mahagilap...
Bakit ba?
Bakit ba?
Ito ba'y biro ng tadhana? ....
O sadyang
tayo'y di para sa isa't-isa.
Bakit ba?
Bakit nga ba?
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa Piling ng Galimgim
Ako'y nakaupo sa may beranda
Nag-iisip, sa kalawakan nakatingala
May masidhing pangungulila
Sa kahapon na aking binabalik-balikan
Nauuhaw sa kabataang kinasasabikan
Yapos ng yumaong kong ina
Nais na muling madama
Sa ugoy ng lumang duyan
Awit niya'y dahandahan
Pagtagas ng luha ko'y di mapigilan
Sa dampi ng hanging malamig
Lalong lumalala pagkauhaw sa nagdaan
Hindi na maipaliwanag tindi ng nararamdaman
O dati kong kanlungan hangad kang masilayan
Katulad ko ngayo'y sisiw na nawalay sa magulang
Ngunit sa pagkatanaw papalubog na araw
Sa tanikala ng galimgim, nakawala at diwa'y nahimasmasan
Ganda na aking nasaksihan
Pahiwatig na ako na'y dapat mamaalam sa nakaraan
Nang makausad at maharap ningning ng kinabukasan
Kung mabubuting bagay sana'y walang kupas at pagbabago
O anong aya ng mabuhay dito sa mundo
Lalo na kung minanamahal ay di lumilisan, yumayao
Damdamin ay di na kailanman maliligaw at madadako
Sa piling ng galimgim na mapang-alipin.
Galimgim- nostalgia
poem by Catherine Agunat

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Aming Magulang
Sa isang mag-anak ay meron pa kaya
Na sa ama't ina'y higit pang dakila
Na kahit sa angkang mahirap nagmula
Ang para sa anak, lahat ay ginawa
Sa paaralan ay di man nakatuntong
Mataas na aral di man nagkaroon
Binigyan ang anak ng pagkakataon
Na sa kahirapan ay mangakaahon
Di man napatira sa bahay na mansion
Ng malaking yaman di man nakaipon
Ang yaman nila ay sa anak naroon
Wala sa salapi kundi edukasyon
Ang amin pong ina ay tubong Montalban
At ang aming ama'y San Mateo naman
Ng anim na anak ay biniyayaan
Hanggang sa lumaki'y pawang ginabayan
Sa tamang ugali sila ay hinubog
Marunong magtiis kahit kinakapos
Mga pinalaki na mayroong takot
Sa batas ng tao at batas ng Diyos
Nang ako'y bata pa, natatandaan ko
Ang aming almusal lamang ay kung ano
Pan de sal na simple at walang palaman
Kapeng walang gatas lamang ang kasabay
Kung bakit gano'n lang, di dapat pagtakhan
Ay sadyang matipid ang aming magulang
Di ubos-biyaya kung may tinago man
Ang bukas ang laging pinaghahandaan
At tanda ko pa rin na kapag Deciembre
Sa Divisoria na sila'y namimili
Ng tela, damit at iba pang kalakal
Upang ipamalit ng tag-aning palay
Kaya laging puno yaong aming bangan
May pambentang bigas at panglaman sa tiyan
Hindi man marangya ang hapag kainan
Sumala sa oras, kami'y hindi naman
Noong Second World War, hinuli ng Hapon
Ang aming ama at saka ikinulong
Tumingin sa amin habang wala siya
Ay ang aming ina at wala nang iba
Nagawa niya iyon habang inaalam
Ang aming ama ba'y naroon kung saan
May dalang pagkain na pangtawid-gutom
Para sa 'ming ama na hindi matunton
Ginawa niya iyon lakad-takbo lamang
Sa panahong iyon na walang sasakyan
Hindi iniinda ang init ng araw
Ng tungkol kay ama'y makabalita lang
Ang pasasalamat namin ay sa Diyos
Nang higit sa isa, dalawang linggo halos
Ang aming ama ay bigla lang sumipot
Yayat na katawan may sugat at galos
Ikinuwento niya hirap na sinapit
Sa kamay ng mga sakang na pa'y singkit
Dahil daw sa gutom at matinding uhaw
Sila'y nagsiinom sa isang 'dirty' bowl
Sa bawat pamilya ay may'rong bayani
Na ng karangalan ay dapat umani
Sila'y walang iba kundi ang magulang
Na dapat mahalin at ating igalang
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa Dulo ng Landas
Landas ng buhay ko nang aking simulan
Kay daming pangarap akong tinatanaw
Pinilit kong sila ay aking marating
Subalit mailap, hindi naging akin
Sa dulo ng landas, ako na'y naroon
Ang dinaanan ko ay aking nilingon
Walang mga bakas ako na naiwan
O kahit na anong pagkakakilanlan
Na minsang ako'y do'n sumagi't dumaan
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Mababaw na Ulap
Nagkakandirit and mga mata
sa malamlam na klima, ang usok
ay nakakalulang nakabitin
sa nakaluhod na hangin
Mayroong simoy ang kalangitan
na nakikilala ng gutom
at uhaw sa karangyaan -
Isang hinahasang kalungkutan
Sa maliliit at mahihina
ang sayaw ng alabok ay di naiiba
sa pagbabadya ng mga lobong
umaalulong sa kulog ng kalangitan
Bakit nga ba may mga bagay
na hindi napapagtibay
ng mga bakal at apoy -
malamya at hubad, nanatiling bugbog?
Kung ang bundok ay hihiga
at ang mga ulap ay bababa
upang hindi na maharangan ang langit
makikita na ba kita?
Totoo ba ang mga pangako
na nakalibing sa marurungis na kulay?
Ang katulad mo ba ay tunay
o patakim ka lamang ng pag-asa?
Wala na akong panlasa,
said at sadsad na ang pandama:
minsan kang umasa,
hanggang hukay ang dusa
Sa usok ng sigarilyo
at sa mumunting kapayapaan
na nakadaong sa mababaw nitong ulap
hihimlay ang takip-silim.
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Bebot
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ay
Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!!
Hoy pare pakinggan nyo ko
Eto nang tunay na filipino
Galing sa baryo sa pangbato
Pumunta ng LA nagtrabaho
Para makatulong sa nanay
Dahil sa hirap ng buhay
Pero masaya parin ang kulay
Pag kumain nagkakamay
Yung kanin, chicken adobo
Yung balot, binebenta sa kanto
Tagay mo na nga ang baso
Pare ko inuman na tayo
Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!!
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot
Be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ay
Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!!
Masdan mo ang magagandang dalaga
Nakakagigil ang beauty mo talaga
Lambingin di nakakasawa
Ikaw lang ang gustong kasama
Yung bahay o kubo
Pagibig mo ay totoo
Puso ko'y laging kumikibo
Wala kang katulad sa mundo ko
Pinoy ka sigaw na, sige
Kung maganda ka sigaw na, sige
Kung buhay mo'y mahalaga, sige
Salamat sa iyong suporta
Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!!
Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!! Filipino!!!
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ang aking
Bebot bebot be bebot bebot
Be bebot bebot be
Ikaw ay
pinoy ka sigaw na, sige
kung maganda ka sigaw na, sige
kung buhay mo'y mahalaga, sige
salamat sa iyong suporta, sige
pinoy ka sigaw na, sige
kung maganda ka sigaw na, sige
kung buhay mo'y mahalaga, sige
salamat sa iyong suporta
...Filipino ...Filipino ...Filipino ...Filipino
song performed by by Black Eyed Peas

Submitted by Lucian Velea
Vote! | Copy!