Mababaw na Ulap
Nagkakandirit and mga mata
sa malamlam na klima, ang usok
ay nakakalulang nakabitin
sa nakaluhod na hangin
Mayroong simoy ang kalangitan
na nakikilala ng gutom
at uhaw sa karangyaan -
Isang hinahasang kalungkutan
Sa maliliit at mahihina
ang sayaw ng alabok ay di naiiba
sa pagbabadya ng mga lobong
umaalulong sa kulog ng kalangitan
Bakit nga ba may mga bagay
na hindi napapagtibay
ng mga bakal at apoy -
malamya at hubad, nanatiling bugbog?
Kung ang bundok ay hihiga
at ang mga ulap ay bababa
upang hindi na maharangan ang langit
makikita na ba kita?
Totoo ba ang mga pangako
na nakalibing sa marurungis na kulay?
Ang katulad mo ba ay tunay
o patakim ka lamang ng pag-asa?
Wala na akong panlasa,
said at sadsad na ang pandama:
minsan kang umasa,
hanggang hukay ang dusa
Sa usok ng sigarilyo
at sa mumunting kapayapaan
na nakadaong sa mababaw nitong ulap
hihimlay ang takip-silim.
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!