Huwag Kang Yumuko Sa Purgatoryong Ito

‘Wag kang yumuko, kaibigan
lumakad ka sa ilalim ng buwan
at maligo sa kanyang liwanag
at wag mong itago ang iyong
anino na nais lamang sumayaw
sa kanyang maamong sinag

Lumakad ka sa apoy at
maligo ka sa nyebe, isuot
ang iyong pinaka-magarang
maskara, ngunit huwag
mong hayaan ang ilog
sa malalalim mong salamin
na matulog at di na gumising
o di kaya'y kalimutan ang
sining ng liwanag nito

Huwag mong sandalan ang
mga mayaybong na puno
dahil ito ay nakaugat sa lupang
hindi mababasag kahit pa
umaandar muli ang gulong ng
mga humintong orasan
at sa huli, ikaw rin ang maiiwan

Dumulong ka sa mga bulaklak
at hayaan mong mamukadkad
ang mga sinilid na hinagpis
dahil ito ang magbibigay kalansay
sa malamyang katawan na
sumasayaw at yumuyuko sa
marahas na hanging habagat
Ito ang magbibigay kalasag
sa marupok na kagandahan -
sa anyo ng matutulis na tinik
sa payat at walang laban na katawan

Huwag kang matakot
at huwag kang sumuko
hangga't mayroon pang
mga mumunting piraso ng
langit sa purgatoryong ito.

poem by Norman SantosReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Related quotes

Pag-ibig Sa Bayan

Pag-ibig sa bayan
huwag mo lang isigaw
patunayan mo rin
sa pagpapaunlad ng iyong kultura
yaman at galing.

Iyong tandaan
ikaw ang katawan ng bayan
lahat ng papuri
at pintas sa iyo
ay siya ring papuri
at pintas
sa iyong bayan.

Pag-ibig sa bayan
nawa'y huwag mong limutin
bagkus
gawin mong gabay
sa pagpapaunlad ng iyong sarili.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Balatkayong Pag-ibig

Balatkayong pag-ibig
sa akin
ay huwag mong ialay
sapagkat ang nais kong pag-ibig
ay yaong tunay lamang.

Kahit na iyong ginto
ay hindi tunay
kahit na iyong rosas
ay hindi tunay
ay ligaya kong tatanggapin
basta't iyong pag-ibig
ay tunay lamang.

Balatkayong pag-ibig
sa akin
ay huwag mong ialay
sapagkat ang nais kong pag-ibig
ay yaong tunay lamang.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Nandito Ako

(aaron paul del rosario)
Mayroon akong nais malaman
Maaari bang magtanong
Alam mo bang matagal na kitang iniibig
Matagal na kong naghihintay
Ngunit mayroon kang ibang minamahal
Kung kayat akoy di mo pinapansin
Ngunit ganun pa man nais kong malaman mo
Ang puso kong itoy para lang sa iyo
Refrain:
Nandito ako umiibig sa iyo
Kahit na nagdurugo ang puso
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang mag-alala
May nagmamahal sa iyo
Nandito ako
Kung ako ay iyong iibigin
Di kailangan ang mangamba
Pagkat ako ay para mong alipin
Sa iyo lang wala nang iba
Ngunit mayroon kang ibang minamahal
Kung kayat akoy di mo pinapansin
Ngunit ganun pa man nais kong malaman mo
Ang puso kong itoy para lang sa iyo
Nandito ako umiibig sa iyo
Kahit na nagdurugo ang puso
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang mag-alala
May nagmamahal sa iyo
Nandito ako
Nandito ako umiibig sa iyo
Kahit na nagdurugo ang puso
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang mag-alala
May nagmamahal sa iyo
Nandito ako
Nandito ako...

song performed by by Lea SalongaReport problemRelated quotes
Submitted by Lucian Velea
Vote! | Copy!

Share

Reflection (Mulan)

Mayroong akong nais malaman
Maaari bang magtaong?
Alam mo bang matagal na kitang iniibig?
Matagal na 'kong nahihintay
***Ngunit mayroong ka nang ibang minamahal
Kung kaya't akoy 'di mo pinapansin
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang magalala
May nagmamahal sa iyo
Nandito ako
Nandito ako umiibig sa iyo
Kahit na nagdurugo and puso
Kung sakaling iwanan ka niya
Huwag kang magalala
May nagmamahal sa iyo
Nandito ako***
Kung ako ang iyong iibigin
'Di kailangan nang mangamba
Pagkat ako ay parang mong alipin
Sa iyo lang wala nang iba
(repeat ***)
Nandito ako...

song performed by by Lea SalongaReport problemRelated quotes
Submitted by Lucian Velea
Vote! | Copy!

Share

Mapalad Ako

Huwag kang susuko
kahit na ba sa tingin mo'y
walang nangyayari sa iyong buhay
kahit na anong sikap ang gawin.

Hayaan mo lang dumaan ang mga araw
isang umaga'y magigising ka rin
na nagsasabi sa iyong sariling
' Mapalad Ako.'

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Ang Puno, Ang Baging at Ang Damo

Ang sabi ng puno sa mababang damo
Hanggang diyan ka lang ba sa may paanan ko
Tumulad ka sa akin, matikas ang tindig
Kaya kong abutin, mataas na langit

Oo nga, oo nga, sabi nitong baging
Bakit ba hindi ka tumulad sa amin
Mataas ang tindig, malayo ang tingin
Mataas na langit ay kayang abutin

Ayokong sa iyo, puno ay tumulad
Pagkat tanda ko pa ang sabi ng lahat
Kung ano ang taas ng iyong paglipad
Ay siya ring lagapak pag ika'y bumagsak

Sa iyo naman baging, ang masasabi ko
Ayokong parisan ang isang tulad mo
Nakatayo ka nga'y nakasandig lamang
Sa sariling tatag, wala kundi hiram
Sa mundo ng tao'y, dami mong kawangis
Ayaw na mababa, ayaw na maliit
Kahit na sa sanga, kahit na sa siit
Huwag lang matapakan, pilit kumakapit

At sa iyo puno, sa 'kin makinig ka
Sa mga tao ay dami mong kapara
Ang mga mahina, ang mga maliit
Sa 'yong kapakanan iyong ginagamit
Meron ka nang dahon ay nanghihiram pa
Ng lilim sa baging, ginagamit mo siya
Para magmukha kang malago't mayabong
Ganoong kokonti lang ang iyong dahon


Lumakas ang hangin, dumating ang unos
Puno ay nabuwal, baging ay nalagot
Sa ilalim ng araw sila ay natuyot
Damo ay buhay pa at sariwang lubos

poem by Pacific HernandezReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Mga Luha ng Kandila

Ako ay papunta sa mundong ibabaw
Nang ang liwanag mo'y una kong mamasdan
Liwanag na siyang matiyagang gumabay
Sa isang pares ng mabubuting kamay
Na sa akin ay sumahod mula sa karimlan
Na aking daigdig hanggang siyam na buwan
Ako'y inilapag nang buong lumanay
Sa siping ni Ina ako'y inilagay

Noon ko nakita luha mong napatak
Na kung para ano'y di ko madalumat
Iyon ba ay luha ng kaligayahan
Ang magiging akin, buhay na tiwasay
O 'yun ba'y mga luha ng kalungkutan
Ang daranasin ko'y pawang kabiguan

Muli kong nakita ang iyong liwanag
Sa araw na takda noong aking binyag
Muli, nakita ko iyong mga luha
'Yon ba'y pahiwatig o kaya'y babala
Ng dahop na buhay o kaya'y sagana

Ang iyong liwanag muli kong nakita
Nang ako't ang mahal ko'y kinakasal na
Init ng 'yong tanglaw noon ko nadama
Sing init ng isang tunay na pagsinta
Pagal kong katawan binigyang ginhawa

Ang huli mong sindi di ko na nakita
At ang iyong init di ko na nadama
Tanging naririnig ko'y mga panaghoy
Panangis ng mga nagluluksa noon
Pagkat ako noon na ay nakahimlay
At na'y paparoon sa kabilang buhay

poem by Pacific HernandezReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Katulad Ng Haring Araw

Ganyan nga kaibigan
hayaan mong mag-ingay ang mundo
subalit iyong puso'y payapain
at sa mukha'y
biglang laya ang iyong ngiti
katulad ng haring araw
tahimik lamang
na nagbibigay ng liwanag
sa sangkatauhan.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Kalapati Sa Dilim

Kalapati sa dilim
sana'y mangarap ka
sa liwanag ng araw
ika'y mamuhay
sariwang bango ng bulaklak
ay iyong langhapin
mapuputing ulap
sa bughaw na langit
ay iyong tingalain
sa mga alon sa dagat
ika'y makipaglaro
at liwanag
ng mga bituin at buwan
ay siya mong gawing tanglaw
sa iyong pagtulog.

Kalapati sa dilim
buhay sa gabi
ay sadyang masaya
alak at musika
at amoy ng salapi
ay nakakalasing
subalit...
hanggang kailan naman kaya?

Kalapati sa dilim
sana'y mangarap ka
at sa liwanag
ika'y magbalik.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Suntok Bago Magwakas

Patuloy na nagniningas
at humuhubog ng dahas
ang kamay ng langit,
ngunit wala na akong takot,
wala na akong kalaban

Ang aso sa pintuan
ay nagbibigay babala
ngunit pinagyayabong lamang
ang lihim na kagustuhan
upang himayin ang mga
nakasaklob sa kadiliman

Saan ba nagpupunta
ang pulutong ng ibon?
Bakit sila tumatakas?

Kumatok ako sa pintuan
umalingawngaw ang panawagan
Ang langit ay nalukot at
kumaskas ang mga bato
pinagliyab ang azul na apoy
sa likod ng kanyang telon

Ang aso ay tumalon
idinipensa ang matutulis na pangil
suminghal sa hangin
ngunit walang barikada
ang di tatanggap ng kaibigan
dahil sa matigas na kalamnan
nagtatago ang ningas
ng kanyang kahinaan,
naghihintay ng kamay
na tutugon sa saklolo

Hindi ako nagpatalo
sa pagbira ng delubyo
dahil ang klimang natutulog
sa marupok kong buto
ay masahol pa sa anyo
ng isang milyong anino

Ngunit bakit patuloy pa rin
ang paglisan ng mga ibon?
Hindi na ba muling dadaong
ang araw sa islang ito?

Patay na ang apoy
wala ng pintig and baga
nang ang kamay ay bumaba
at sumibol ang pag-asa

poem by Norman SantosReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Ulan

Ulan, ulan
bumuhos ka ulan
hayaan mong
magtampisaw sa galak
silang mga batang
kamusmusa'y
di rin magtatagal.

Ulan, ulan
bumuhos ka ulan
hayaan mong
lunurin ng kanilang luha
ang mga puso nilang
sawi sa pag-ibig.

Ulan, ulan
bumuhos ka ulan
hayaan mong
pag-isahin nilang
mga bagong magsing-irog
ang nag-aalab na mga puso.

Ulan, ulan
bumuhos ka ulan
at itago
sa iyong mga patak
itong luha
sa aking mga mata.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Anino Ng Kahapon -sa tagsibol

Anino ng kahapon
hanggang kailan mo yayakapin
iyong sarili'y
hanggang kailan pahihirapan.

Masdan mo
kahit sa tigang na lupa
mga munting usbong
nagpupumilit mamukadkad
upang sa iyo'y
ganda nila'y ipang-aliw.

Hayo ka na
at sa iyong lungkot ay magpaalam
anino ng kahapon
ay tuluyan mong iwan
at ang handog ng tagsibol
na bagong pag-asa
ay siya mong yakapin
sa iyong puso.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Sa Aking Sentimiento

Sa bintana ay nakadungaw
Isipa'y sa malayo nakatanaw
Simoy ng hangi'y ninanamnam
Mga mata ay malamlam
Sa labi ay inaasam
Na dating pagsinta mo ay muling makamtam

Sa awit ng mga ibon aking naaalala
Boses mong malamig at kahangahanga
Na noon ay naging aking himig na maaya
Sa pagsulat ng mga tula at nobela
Mga haplos mo ay naging oyayi sa paghimbing
Maiinit na lambing at bati sa aking paggising

Katawan mong mala-Adonis
Sa pangarap sana'y masilip
Higpit ng mga yakap mo't halik
Giliw labis akong nasasabik
Muli't-muli ang aking nais
Makapiling, maangkin ka't makaniig

Kung di dumating marahas na bagyo
Sa iyo sana'y di lubusang napalayo
Katulad ko ngayon ay bulaklak na kay bango
Ikaw ang paru-paro na nauuhaw sa pagdapo
Ibinubulong na lang sa hangin ang kahilingan ko
Umaasang dadalhin sa kinaroroonan mo

Hanggang sa sumapit ang takip silim
Laman kang lagi ng mga salamisim
Kung araw man ay tuluyang lamunin ng dilim
Ala-ala mong nasa puso ko't isipan ay nakasukbit pa rin
Sa pagtulog ng taimtim ang samo ko't dalangin
Makasama kang muli, ang bukang liwayway ating haharapin.

poem by Catherine AgunatReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Nasaan Ka

Hinahanap kita sa ating tagpuan
Ngunit wala ka do'n, ikaw ba'y nasaan
Doon sa waiting shade na hinihintay ka
Ikaw ay wala rin, ika'y nasaan ba
Sa park na pasyalan natin ako'y lagi
Wala ka rin doon, ano ba ang sanhi

- 0 -

Sa iyong daigdig, huwag mo 'kong hanapin
Alaala na lang mong ako'y ituring
Ang iyong daigdig na aking nilisan
Ay masalimuot, huli kong nalaman
Ang iyong kahapon na tinatakasan
Ay dinala mo pa sa aking harapan
Ang ating relasyon ay di mabubuo
Ng iyong taksil at sugatan kong puso

poem by Pacific HernandezReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Hinahanap Ng Puso

Pasensya na aking mahal
Di naman ako magtatagal
Nais ko lang marinig mo ang bawat nilalaman
Ng puso kong ito inaalay ko sayo
Dinggin mo sana mga sinasabi ng awitin ko
Pilitin mang ibalin at sa iba'y isalin
Ay di malimot ang halimuyak na hatid ng hangin
Ng una kang makita hindi makapaniwala
Parang panaginip at langit aking nadarama

Nais kong malaman mong ikaw ang aking iniibig
Sana ay dinggin mo ang tibok nitong dibdib
Nais kong malaman mong ikaw ang nasa panaginip
At magkalapit agwat ng ating daigdig

Hinahanap ng puso ang pag-ibig mo (makinig ka sana sakin)
Hindi ito malilimutan ng pagmamahal at ligaya na dala mo (laman ng aking damdamin)
Kung saka sakli na kaya mo pang ibalik (sige na wag kang magalinlangan)
Ang dating pagtingin sa puso kong nananabik pa sa iyo

Ngunit ngayon alam ko na
Sadyang magkaiba
Ano nga naman ang hindi mo pwedeng makita sa kanya
Merong magarang kotse
Wallet na doble doble
Di tulad ko na di man lang makapanood ng sine
Sana'y malaman mo na mawala man ako
Ay may pag-ibig na laging gumagabay sayo
Di ka pababayan, laging aalagaan
Hanggang sa dulo ay tunay ang aking naramdaman

Nais kong malaman mong ikaw ang aking iniibig
Sana ay dinggin mo ang tibok nitong dibdib
Nais kong malaman mong ikaw ang nasa panaginip
At magkalapit agwat ng ating daigdig

Hinahanap ng puso ang pag-ibig mo (makinig ka sana sakin)
Hindi ito malilimutan ng pagmamahal at ligaya na dala mo (laman ng aking damdamin)
Kung saka sakli na kaya mo pang ibalik (sige na wag kang magalinlangan)
Ang dating pagtingin sa puso kong nananabik pa sa iyo

Hinahanap ng puso ang pag-ibig mo (makinig ka sana sakin)
Hindi ito malilimutan ng pagmamahal at ligaya na dala mo (laman ng aking damdamin)
Kung saka sakli na kaya mo pang ibalik (sige na wag kang magalinlangan)
Ang dating pagtingin sa puso kong nananabik pa sa iyo

Hinahanap ng puso ang pag-ibig mo (makinig ka sana sakin)
Hindi ito malilimutan ng pagmamahal at ligaya na dala mo (laman ng aking damdamin)
Kung saka sakli na kaya mo pang ibalik (sige na wag kang magalinlangan)
Ang dating pagtingin sa puso kong nananabik pa sa iyo

poem by Sirius WhiteReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Kalbaryo

Kalbaryo
kahit sino ay may dala
sa ayaw at sa gusto mo
kahit ikaw ay may dala.

Iyong kalbaryo
kahit ayaw mo
kailangan mong dalhin
sapagkat ito'y sa iyo
at tanging ikaw lamang
ang makadadala.

Kung sakaling ikaw
ay makaramdam ng pagsuko
iyong alalahanin
si Kristong para sa iyo'y
buhay ay inalay
upang kalbaryong
sa Kanya'y iyong bigay
Kanyang madala
hanggang katapusan.

poem by Marites C. CayetanoReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Ang Apoy At Mga Aninong Isinilang

Sa kadiliman ng gabing nakadapo
sa iyong mga matang nahihimbing
kasama ng maalong awitin ng hangin
at sinasamyo ng mga orasang gutom
na naghihintay ng pagkakataong huminay
sa pagduyan ng takdang sayawin;
natagpuan ko ang mga bagang nagngangalit,
ang pahapyo-hapyong silab ay sumisirit
at sumasagitsit kahilitulad ng kidlat
na lumiliyab sa hinanakit at pilit pa ring
itinatago ang galit sa likod ng mga ulap
at sa bawat mailap na pag-udyok ng pagputok
ng liwanag sa iyong walang kamatayang gabi
nasilip ko ang mga nahihimlay sa likod ng tabing -
Ang iyong kabataang tahimik ngunit
sabik na naghihintay ng kapayapaan
tumatakbo at humahawi ng walang kalaban-laban
sa hagupit ng sunog at darag ng mga usok
upang mapanghawakan ang kalagitnaan,
ang kasukdulan ng trahedyang umuulan.

Galusan at walang bilang, yumabag ang mga paa
patungo sa paglisan; unti-unti kang naiiwanan
at kahilintulad ng isang libong nakaraan,
isang libong kahatulan - muli't-muli
iniwasan mo ang nakangangang pintuan
takot sa nagliliyab na liwanag - pula, puti,
maliwanag, malamya, galit at mahapdi
bumalik ka sa iyong higaan na tulad ng
isang bukas na palad ng lupa na naghihintay
ng mga puting rosas at handa ng sumara
pagka't sa dulo ng liwanag lahat ay magniningas
at paparoon sa kanikanilang hantungan
kagaya ng mga ibong namumutawi sa langit
lumilipad sa kanikanilang ihip ng hangin
dadapo at sasaklob sa pagkalimot at kaligayahan
sa piling ng kanikanilang buwan; hindi nga ba't
mas mahusay nang pumikit sa karimlan
ng nalalaang hindi ka na maiiwanan
sa piling ng malalagong anino at
umaalingawngaw nilang mga yabag
na sa mumunting langit mo'y naiwanan?

poem by Norman SantosReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Sa Isip ng isang Sintu-sinto

Ako no'n ay nakatayo, sa isang tabi ng bangketa
Ang aking sasakyan na dyip, ay aking hinihintay pa
Nang isang batang gusgusin, sa tindahan ay lumapit
May binili, ang bayad ay dyario lamang na ginupit

Ako'y konting naintriga, nagtanong, di nakatiis
Lola, sino po ba iyon, yung batang nanglilimahid
Na ng kendi ay bumili, dyario't papel ang pambayad
Ako lang po'y nagtataka dahil ninyo ay tinanggap

Iyon, anak, ay si Intong, isang batang kulang-kulang
Sa tamang isip ay kapos, dahil kinulang sa buwan
Ngunit kahit na siya'y ganoon, nami'y kinagigiliwan
Pakibigay, pakidala, siya'y aming nauutusan

Sandaling ako'y natigilan, sa sarili'y naglilirip
Kahit sino, kahit ano, sa ibabaw ng daigdig
Maliit man o malaki, meron siyang kabuluhan
Na ng ating Panginoon, itinakda't ibinigay

May binatilyong dumating, perang papel ay pinunit
At saka itinapon d'on sa may kanal na malapit
Batang paslit ay gumanti, ng bote siya ay binato
Kahit hindi tinamaan, reresbak ang binatilyo

Huwag! Huwag Iho! Huwag mo sanang iyan ay gawin
Pagkat ang may kasalana'y walang iba't ikaw na rin
Ang pera niya, kahit dyario't ginupit lamang na papel
Sa isang katulad niya ay kayamanan kung ituring

poem by Pacific HernandezReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Pusong Tuliro

Bakit ba kung minsan
Mapaglaro ang tadhana
Bakit pa pinagtagpo mga pusong di na malaya
At ang pag-ibig ay umusbong nang kusa

May mga panahong hindi ko na kaya
Puso't isipan ko'y suko na talaga
Isipin ko lang na kapiling ka ng iba
Dibdib ay nagsisikip at di makahinga

Hindi ako sigurado sa iyong nararamdaman
Maaaring ako'y iyong pinaglalaruan lamang
Subali't heto ako at laging naghihintay
Sa tinig mo pa lamang lumbay ay napaparam


Kahit malayo ka
At cellphone lang ang tanging nag-uugnay
Asahan mong ikaw lagi ang nasa aking isipan'

Hindi ko na inaasahan
Ang makapiling ka kailanman
'Pagkat alam kong kahit ang langit ay sadyang hahadlang

Kung kasalanan mang ika'y aking minahal
Tatanggapin ko ang hatol ng Poong Maykapal
Sapagkat hindi ko kayang ika'y aking kalimutan

poem by Rose de RamarReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share

Kapag Dumilat Ang Mata Ng Bagyo

Kung ang ulan na ito ay
ang pagluha ng kalangitan -
ang hinagpis nya ay
umaapaw at nalulunod na
sa uhaw para sa kaibigan

Isang linggong walang araw,
walang bituin o buwan,
walang kulay ang kapaligiran
Ang oras ay lumisan
at tinalikuran ang kalungkutan

Ngayo'y bumabaha
at ang lamig ay di humuhupa
pumapatak ang pilak
ngunit wala tayong kalasag
dahil wala na ring pangunawa

Masdan mo ang putik
na dumako sa mga sulok
na hindi pa nasasakop -
bulag na tayo sa mga mantsa
ng kalamidad sa likod ng mga mata

Sa bawat paghimlay
mahimbing sa ilalim ng ulan
itinatanggi ang pag-iisa
wala tayong pinagkaiba
sa mga bara ng estero

Dahil sa likod ng postura
na malumanay ang tindig
ang bagyo ay bumubuhos
humahagupit, kumakatok:
Isang kalapating walang pugad

At sa pagpikit ng mga mata,
sa pagsamyo ng gunita;
bumabaha na sa kailaliman
di magtatagal, ito'y aapaw
bibigay din ang kalaban

At sa pag-guho ng barikada
kakawala na ang naipong tubig
hubad sa hagupit ang maliit mong daigdig
Ang agos ay di mo na mapipigilan
dilat na ang mata ng bagyo, kaibigan

poem by Norman SantosReport problemRelated quotes
Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!

Share