Pagpapahalaga
Sa taong
para sa kanyang sarili'y
buhay niya'y walang halaga,
ang pagpapahalaga
at pagpapadama sa kanyang kahalagahan
ng mga taong nasa kanyang palibot
ang makapagbibigay dugtong
sa kanyang pagnanais
na mabuhay.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Related quotes
Ang Mananayaw
Ang mananayaw
dati kong hinangaan
sa tikas ng kanyang tindig
at sa mukhang nakapagpahayag
ng iba't-ibang damdamin
sa bawat musikang
kanyang sinayaw
ay di ko mapagabanan
ang animo'y magnetong humigop
sa aking katauhan
upang siya'y pagmasdan
sa bawat niyang sayaw.
Ang mananayaw
sa drogang, sa una'y tikim lang
ay nalulong
at kanyang mga sayaw
sa unang hithit ng droga'y
lalong naging madamdamin
ngunit kalaunan
nawala sa tiyempo
at kanyang mukha
ay naging animo'y
blangkong papel.
Ang mananayaw
sa droga'y nalulong
ngayo'y nasa munti
at kinabukasa'y
di tiyak.
Ang mananayaw
dati kong hinangaan
at muli kong hahangaan
kapag kanyang buhay
ay kanyang maisayaw
ng may damdamin
ng nasa tiyempo
...balang araw.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Domestic Hero
Kuskos dito, kusot doon
Pantahanang katulong kanyang propesyon
Mababa man uri ng trabaho
Kalidad naman hatid na serbisyo.
Sa oras ng kanyang pahinga't pag-iisa
Tahimik lang habang pumapatak ang luha
Pagkat kanyang pamilya'y naaalala
Sa kahirapa'y nais makaraos kaya tinitiis pangungulila.
Sa oras ng sahuran
Siya'y nasisiyahan sa pagtanggap ng pinagpaguran
Na kahit sa bulsa'y wala nang matitira
Handang magtiis maibigay lamang pangangailangan ng pamilya.
Domestic Helper ang bansag sa kanya
Alilang dukha, taong mababa turing man ng iba
Ngunit siya'y Domestic Hero sa sariling bansa't pamilya
Dahil sakripisyo'y di matatawaran, di matutumbasan anumang halaga.
poem by Catherine Agunat

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Magbabalik Din - ang anak ng bayan
Ang anak ng Bayan
saan mang panig
ng mundo makarating
gaano man kalayo
sa lupang
kanyang sinilangan
siya ay magbabalik.
Kung sakali mang
siya'y mabigo
at sa lupang sinilangan
ay hindi makabalik
asahan mo
kabilang sa kanyang yaman
ay mga bagay
na puno ng alaala
ng lupang
kanyang sinilangan.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Pagmamahal ng Isang Ina
Sa ating buhay ay mayroon pa kaya
Na sa ating ina'y higit pang dakila
Ina na nagtaya ng sariling buhay
Nang sa mundong ito'y tayo ay isilang
No'ng ako ay sanggol, batang maliit pa
Ay alam ni Inay pag ako'y balisa
Siya ay babangon, niya'y aalamin
Kung bakit ganoon, ano ba ang dahil
Kapag nalaman niyang ako'y nagugutom
Niya'y isusubo sa akin ang tsupon
At kapag malamig, ako ay naginaw
Ako'y mababalot ng yakap ni Inay
Kapag merong langgam siya na nakita
Agad papalisin, titirisin niya
Ang lamping nabasa, kanyang inaalis
Ang bago at tuyo kanyang ipapalit
Ako ay lumaki at na ay nag-aral
Siya pa rin ang sa landas ko'y tumatanglaw
Ako'y nagbinata, hanggang maging tao
Siya pa rin ang ilaw at tanging gabay ko
Ganyan kung paano magmahal ang ina
Wala siyang katumbas, walang hihigit pa
Ngayong siya'y malayo, meron akong hiling
Muli, sana siya ay aking makapiling
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Lando
Wag kang mabahala may nagbabantay sa dilim
Nakaabang sa sulok at may hawak na patalim
Di ka hahayaan na muli pang masaktan
Wag ka nang matakot sa dilim
Ito ay kwentong hango na galing sa dalawang taong
Nagmamahalan ng tunay ang ngala'y Elsa at Lando
At kahit parang pagkakataon ay nakakandado
Dahil magkalayo ang uri ng buhay ang estado
Ng buhay ni Lando ay di nalalayo sa marami
Sinunog ng araw ang kulay ng balat at marami
Ng galon ng pawis ang kanyang naidilig sa lupa
Upang ang gutom ay di na masuklian pa ng luha
Habang ang babaeng kanyang minamahal ay sagana
Ngunit kabilang sa pamilya na di alintanang
Makipagkapwa-tao sa mga tulad niyang dukha
Gayon pa ma'y patuloy ang pagmamahal na pinula ng pagibig
Repeat Chorus
Kahit na ano pang bagay ang pilit na ihadlang
Sino man ay walang makakapigil sa paghakbang
Ng mga paa na ang nais ay marating ang ligaya
Niyayang magtanan di nag-atubili na sumama
Hawak ang pangarap at pangako sa isa't isa
Nagpakalayo-layo di namuhay na may kaba
Dahil alam nila na sa bawa't isa'y nakalaan
At ang pagmamahalan tangi nilang sinasandalan
Wala ng ibang bagay pa silang mahihiling
Kundi isang pamilya sa loob ng apat na dingding
At isang bubong na maaaring tawaging tahanan
Bakit may pangit na kabanatang kailangang daanan pa
Repeat Chorus
Isang gabi na Huwebes lumubog na ang araw
Doon tayo magkita pasalubong ko'y siopao
Upang ating paghatian pagdating ng hapunan
Meron palang nakaabang sa amin na kamalasan
Eskinita sa Ermita may sumaksak kay Elsa
Sa tagiliran isang makalawang na lanseta
Ang gamit upang makuha lang ang kanyang pitaka
Kami'y mahirap lamang bakit di na siya naawa
Hindi ko naabutang buhay ang aking mahal
At hanggang sa huling hantungan ay nagdarasal
Bakit po bakit po ang laging lumalabas
Sa ‘king bibig palaboy-laboy ni walang landas
Akong sinusunod baliw sa mata ng marami
Siguro nga di ko na kilala aking sarili
Pangala'y taong grasa may patalim na gamit
At ang tanging alam ay isang malungkot na awit
At ang sabi…
Repeat Chorus
Wag ka nang matakot sa dilim…
poem by Sirius White

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Inang Ibon
Inang ibon
sa di kalayua'y
munti niyang pipit
kanyang pinagmasdan
habang ang mga ito'y
nagsumikap maibuka
kanilang munting pakpak.
Inang ibon
para sa munti niyang mga pipit
walang takot na binabaan
ang kanyang lipad
upang itaboy
palayo sa pugad
isang pusang ligaw
na tila gutom na gutom.
Inang ibon
lumuha din kaya
nang isa niyang pipit
mula sa pugad ay nahulog
at sa mga pangil ng pusa'y
hindi nakaligtas.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Matanda Sa Munting Dampa Sa Gitna Ng Mga Puno Ng Bayabas
Doon sa munting dampa
sa gitna ng mga puno ng bayabas
nakatira ang isang matandang
walang makapagsabi
kung lalaki o babae.
Mula sa malayo'y
tanging maputi niyang buhok
ang aking natanaw
dahil sa mga kahoy na bakod
na nakapalibot
sa kanyang munting paraiso.
Kanyang kuwento'y
di ko gaanong narinig
sapagkat sa mga kapitbahay
siya'y walang ugnay
tanging alam ng lahat
siya'y nag-iisa't matagal na doon
at baka pa nga daw aswang
kaya't sa kanya'y
walang nagtangkang lumapit.
Sa gabi'y
tanging liwanag niya'y
lamparang hindi man kasing liwanag
ng bombilyang aming gamit
kapag yao'y aking natanaw
naruon ang init
at hindi ang panglaw.
Ang matanda sa munting dampa
sa gitna ng mga puno ng bayabas
sa kanya ako'y naninibugho
sa buhay niyang datapwat aba
sa paningin ng marami
ay malayo sa ingay ng mundo
malayo sa nakakasilaw
na mandarayang liwanag
ng mundo.
Subalit,
sa luho, luha at tuwang
aking natikman
kasama ng mga kaibigan at pamilya
natitiyak kong aking buhay
kailanma'y di maging tulad
ng kanya.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Patawad
Marami nang taon ang nakakalipas
Nang ng isang dilag pansin mo'y natawag
Ang kutis at tindig niya ay katamtaman
Di man pambihira ang niya'y kagandahan
Maayos ang kilos, maganda'ng ugali
Kaya ang puso mo'y kanyang nabighani
Simula noon ay iyo nang ninais
Na ang damdamin mo'y maipahiwatig
Sa isang sulat ay iyong naihatid
Ang tinataglay mong lihim na pag-ibig
Kinabukasan ang sulat mo'y sinagot
Ika'y nasiyahan, gumaan ang loob
Ikaw ay binigyan niya ng pag-asa
Mula noon ikaw ay laging masaya
Ang iyong pag-ibig ay kanyang tinanggap
Pagmamahalan ninyo'y sumibol agad
Kayo'y nagsumpaan na magmamahalan
Sa simula't hanggang magpakailanman
Mga araw na sa inyo'y namagitan
Ay alaalang kay tamis na balikan
Paggawa ng parol, magkatulong kayo
Pag may simbang gabi't malapit na'ng pasko
Kapag simbang gabi, kayo'y magkasabay
At naglalakad na magkahawak-kamay
At kapag sa ilog siya'y naglalaba
Ika'y nakabantay, minamasdan siya
Ngunit bakit gano'n, hindi natagalan
Puso mo'y nalihis, ng landas naligaw
Sukdulang naapi ang kanyang pag-ibig
Nang sa ibang dilag ikaw ay naakit
Labis sa kamay mo, puso niya'y nasaktan
Ang kanyang pag-ibig, iyong sinuklian
Ng di pag-ibig din kundi kataksilan
Ang mga palad mo'y may bahid ng dugo
Ng kanyang naluray, nadurog na puso
Ng sariling budhi ika'y binagabag
Sa kanya ikaw ay labis na nahabag
Huli't walang silbi, magsisi man ikaw
Sa ibang babae ikaw na ay kasal
Na higit sa lahat ay iyong minahal
Sa iyong buhay ay merong mga araw
Na katahimikan ay di mo matagpuan
Dahilan ba'y ano, iyong iniisip
Ikaw ba ay kanya pa na iniibig
O kanyang sinumpang magbata ng sakit
Siya'y nangibang-bansa upang makalimot
At upang mapawi ang sama ng loob
Doon niya nakita, doon nakilala
Lalakeng kapalit mo sa puso niya
Iyon ba ay iyong dapat ikagalak
Ibig sabihin ba'y ika'y napatawad
Sa salang ginawa mo't iyong ginanap
Na iwanan siyang ang puso ay wasak
Sa tanong na ito'y sino ang sasagot
Wala kundi siya at Panginoong Diyos
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa May Dagat
Mga halakhak
kaunting bangayan
maya't-maya'y luha
muli'y, mga halakhak...
Sa may dagat
naruon ang mga alaala ng pamilyang
patuloy na nagbabago
mga bata'y lumalaki
ama't-inang puti ng buhok
ay dumarami.
Ang dagat
sa tuwina'y saksi
ng pagmamahalan at pag-aalitan
ng pamilyang malapit
minsa'y malayo
at sa kanilang mga puso
ay kanya-kanyang tuwa
at kanya-kanyang pighati.
Sa may dagat
hangin doon ay kaysarap langhapin.
Sa may dagat...
aah, kung takbo ng buhay
ay hawak ko lang.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Isang Papillon
Ang Papillon ay isang
maliit na lahi ng aso
na may kakaiba,
malaki at lamuymoy na tenga
kung saan nakuha nito
ang kanyang pangalan,
ang salitang Pranses
para sa paruparo.
Isa sa mga pinakamatandang lahing
maliliit ang Papillon.
Maaari ring maging protektibo
ang mga asong ito
anumang kasapi ng pamilya,
at mabuti silang magbigay
ng alarma ngunit mapagmahal
sila sa mga taong kilala nila.
Malakas at mahilig tumakbo
o manghabol ang mga papillon,
ngunit mas nasisiyahan
silang manatili sa loob ng bahay.
poem by Ric S. Bastasa

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Sa Silong Ay May Ulupong
Ang mansanas
sa kanyang pulang seda
ay marikit na nakaupo
at naghihintay mahubaran
sa kanyang porselana
at sa tamang oras
ang mansanas
ay nakalalasing at
nakalalason din
Ang mga susi
na ating hinahagilap
at patuloy na hinahanap
na tila gintong pilak
ngunit walang sapat na hugis,
tunog, bigat o kasarian
ang siyang magbubukas
ng mga kandadong
kanilang ring isinara
Ang mga kalapati at uwak
magkaiba ang kulay,
magkaiba rin ang iyak
ang bagwis ay mayroong
magkaibang ingay
at magkaibang lakas
ngunit sa himpapawid
sila'y magkahalintulad
parehong tumatakas, lumilipad
Ang batis, ang lambak,
ang mariposa, ang bulaklak—
Ang lahat ng bagay,
sa pagitan ng bakuran
ng pagka-sagrado at kabaliwan
ay mayroong palapag
kaaya-aya sa unang baytang
ngunit sa silong
ay mayroong ulupong.
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Itlog ng Manok
Sa siwang ng sahig, si Totoy nakasilip
Sipong tumutulo, kulapol sa sahig
Umupo, dumapa, tumuwad, tumindig
Merong hinihintay, parang naiinip
Sa kanilang silong, may bigkis ng damo
Pakain ng Tatay niya sa kabayo
Sa gitna ng damo ay mayroong itlog
na butas ang dulo at guwang ang loob
Dating laman noon, wala kahapon pa
Sinipsip ni Totoy ang puti at pula
Pero bakit naro'n, ano ba ang silbi?
Iyon ay decoy lang o isang pangati
Upang ang manok ay umitlog, mawili
Hindi natagalan, may manok na dumating
Titinga-tingala, isang talisain
Ang puso ni Totoy ay biglang pumitlag
Hindi mapakali na tutuwad-tuwad
Sa bigkis ng damo, manok ay umakyat
Kuntentong umupo, kumakakak-kakak
Walang anuano, 'Putak, putak, putak! '
Si Totoy naman ay nanaog kaagad
Kung ano ang bilis ng kanyang pagbaba
Gano'n din pag-akyat na rumaragasa
Eto na, ang kapitbahay ay dumating
Ang napagtanungan ay si Totoy na rin
'Totoy, narinig kong manok ko'y pumutak,
Kanya kayang itlog, saan inilagak? '
'Ay naku po Tiya, hindi ko po alam,
sapagka't ako po ay kagigising lang.'
Neighbor ay umalis, parang nayayamot
Manok niya'y pumutak, pero walang itlog
Ang itlog na paksa't pinag-uusapan
Nandoon sa kalan na at nakasalang
Na para kay Totoy, meryendang malinaw
Ay naku, si Totoy, bata pang maliit
Kapag sa tsibugan talagang matinik
Ang itlog ng manok niyang kapitbahay
Kanyang nilalaga at pinapatulan
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
A Dog Named Happy
Ang aso ni Karen ay pampered at spoiled
She thinks she's a human, she thinks she's not a dog
Mukhang merong pulgas, laging nagkakamot
Ugaling habulin ang sariling buntot
Siya'y parang whirligig na ikot nang ikot
Kapag siya'y aking nakakagalitan
Siya ay nag-e-emote, marunong masaktan
Siya'y nagtatampo, siya'y nagdaramdam
Sa ilalim ng sofa siya'y nagtatago
Siya'y maghapon doon, hindi kumikibo
Ang nakasungaw lang ay ang kanyang ulo
Hindi lumilingon as there I come and go
Pero paningin niya'y sinusundan ako
Para siya lumabas, para pakainin
Kinakailangan pang siya ay sunduin
At hindi lalakad, kelangang kalungin
Pero pag gusto kong drama niya'y matapos
Kukuha lang ako ng plastic o supot
Pag nilamukos ko at kanyang narinig
Siya ay lalabas, takbo, at full speed
She's thinking that I have for her something to eat
Sino man sa 'min ang lalayo, aalis
At nahalata niyang na ay nakabihis
Siya'y di mapakali, siya'y nangangalabit
Ibig sabihin no'n, siya din maghahatid
hanggang do'n sa driveway, hanggang doon sa gate
Ikaw na umalis, pag na ay dumating
Kailangang siya ang una mong batiin
Siya'y kahol nang kahol, hindi siya titigil
Hangga't ang tiyan niya'y di mo kinakamot
O balahibo niya'y di mo hinahaplos
Kinaakailangang ito ay gawin mo
At pag di nasiyahan, kelangang may take 2
At meron din siyang kakatwang ugali,
Kapag natutuwa ay napapaihi
Oftentimes sa balahibo niya sa puwet
Malagkit na pupu ay may dumidikit
Siya'y uncomfortable, shy at laging kimi
Sa ilalim ng mesa, doon siya palagi
Parang nahihiya na siya ay marumi
Hindi lamang ito, siya pa'y intrigera
Mahilig sumali sa away ng iba
Pag me mga pusang sa labas nag-away
Siya'y nagagalit, siya ay kumakawkaw
Parang sinasabing 'Hwag kayong maingay! '
Minsan, naisip kong siya ay ipasyal
Dog leash na mahaba, siya'y kinabitan
Ang layo ng aming pinunta't narating
Hindi siya naglakad, nakakalong sa 'kin
Sa lahat ng aso siya'y di dogfood-vorous
Mahilig sa prutas, she is frugivorous
But I have found lately, she is omnivorous
And that's easy to see, I do not have to prove
Ipis at butiki, kanyang nginangalot
Kapag ako ay mayroong kinakain
Siya'y titig na titig, siya'y nakatingin
Hindi kumukurap, parang inaasam
Na kahit na konti, siya'y aking bigyan
Kapag narinig niya ang salitang 'ligo'
Siya ay nagagalitr, siya ay nagtatago
Kapag siya'y amin nang pinaliliguan
Nangangalahotog at ginaw na ginaw
Baba'y tumatahip, siya'y nangangaligkig
At sa aking kamay mahigpit ang kapit
Ano mang bagay ang sa sahig malaglag
Kanyang tinatakbo, kinukuha agad
Pag natipuhan niya ay huwag mong kukunin
Siguradong ikaw, kanyang kakagatin
Kapag gusto niya ng doggie bacon strips
Siya ay tumatayo, siya'y nangangalabit
Iyan po si 'Happy', ang asong makulit
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Identity Crisis
Sa aking buhay ay may mga komedi
Na naranasan ko, sila ay marami
na nakakatawa, so makinig kayo
Isa-isa sila'y isasalaysay ko
Isang araw ako ay nasa bangketa
Ang sasakyan kong dyip ay hinihintay pa
Nang sa akin ay mayroong kumalabit,
si Mr. C. Santos, Director ng Roosevelt
Ako ay natuwa, ako'y nasiyahan
Na kay daming taon na ang nakaraan
Ako'y binati niya't pa'y natatandaan
Isang bagay na di ko inaasahan
Sa isang student na hindi nag-excel
At sa kanyang iskul di naging outstanding
Ito'y isang honor nang maituturing
Isang karangalan na para sa akin
Matapos ang konting kwento't kumustahan
Si Mr. Santos ay sa 'kin nagpaalam
'O, TONY, diyan ka na, ako'y aalis na,
at kumusta ulit sa iyong pamilya.'
Nang si Mr. Santos, wala na't malayo
Ang naramdaman ko ay pagkasiphayo
Aking kasiyahan, napawi't umalis
Di ako si Tony, siya'y aking KAPATID
Isang araw naman, ako'y nakatambay
Do'n kay Pareng Miniong, sa kanyang tindahan
Dumating ang ex-Mayor ng Marikina
Si Hon. Gil Fernando at wala nang iba
Ako'y kinausap, ako'y kinumusta
Ako ay natuwa, ako'y siyang-siya
Na akong anak ng dating ka-ticket niya
Ay natatandaan, kanya pang kilala
Narito ang siste, nang siya'y magpaalam
'O, aalis na ako't di na magtatagal
Sa iyong ama ay kumusta na lamang,
Kay Dr. Siasoco, aking kaibigan.'
Ako ay nanlumo, paano ba naman
Tatay ko'y Hernandez, Ayong ang pangalan
At siya'y hindi doktor, isang employee lang
Which only shows na 'ko'y napagkamalan lang
Mas masaklap itong aking ikukuwento
Sa isang bangketa'y naglalakad ako
Classmate sa grade school,19kopong-kopong
Nakangiti pa nang aking masalubong
Ang sabi niya agad, 'Kilala ko kayo.
Kayo'y taga-Nangka, natatandaan ko,
ang tatay ng kakalase ko'y di ba't kayo?
Ang ngalan niya ay Hernandez, Pacifico.'
'Ay! bakit ba ganoon, bakit ba ganito,
Paano bang ako ay naging tatay ko? '
'Biktima ka Amang ng Identity Crisis,
Pasensiya ka na lang at huwag mainis'.
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Locket ni Inay
Ang locket ni Inay, ginto't kumikinang
Ay aking kinuha sa kanyang lagayan
Ito'y nilagyan ko ng litrato ni 'sweet'
At sa aking leeg, agad isinabit
Ang aking kwintas ay nakita ni mahal
At ang kanyang tanong, 'Saan ba galing 'yan? ?
Yan ba'y binili mo o merong nagbigay? '
''Di ko 'to binili, bigay 'to ni Inay.
At ang litrato mo'y dito daw ilagay
Sagisag ng tunay ko na pagmamahal.'
'Ay ang ganda naman, puwede bang makita? '
'Aba'y puwedeng-puwede, siyempre, mahal kita.'
Nakita ni mahal ang kanyang larawan
At kilig na kilig, ako'y hinalikan
Kasabay ang sabing 'Ay! Ang sweet mo naman! '
Ngitngit ni Bathala, locket, nabitawan
Bumagsak at ang lihim ko'y sumamburay
Litrato sa locket pala'y tatlong suson
Siyempre ang kay mahal sa ibabaw nar'on
Dahil siya ang aking kaharap ko noon
'Imbi! Palamara! Sukab! Talipandas! '
Ang sabi ni mahal, mata'y nagniningas
'De locket-locket pa ay three-timer naman!
Puso nama'y taksil pa at salawahan! '
'Isa kang hunyango, nag-iibang-kulay
Kung sino'ng kaharap ay siyang minamahal! '
'Mahal, patawad na, ako'y nagsisisi
Sa aking ginawang sa 'yo'y pang-oonse.'
'Eto ang sa iyo! ' (PAK) 'Naku po! Aray! '
Yan ang kasaysayan ng locket ni Inay.
At malaking bukol, nasa aking ulo
Na dahil sa locket at pagka-chickboy ko
'Aruy! Aruy! Aruy! ' ay aking natamo
poem by Pacific Hernandez

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ulan sa Buhay
Pagdating nito kung minsan ay sabay-sabay
Na sa pagbuhos ay tila wala nang humpay
Pag labis na dibdibi'y nakakarindi't makakalumbay
Kaliwa't kanan, likura't harapan
Sa dami'y hindi na mawari pasimuno't pinagmumulan.
Tingin ng ibang taong dumaranas
Sila'y sinumpa kaya sa buhay minamalas
Sulirani'y ayaw harapin, damdami'y nagpupumiglas
Hanggang sila'y magiging manhid at puso'y nanigas
Na sa kalauna'y, asal ay mapanibugho't marahas.
Meron ding nagsasabi, sila'y ayos lang
Kabilaan man pagsubok na dinadaanan
Sila pa ri'y nakangiti't sa kapwa'y nakikipagtawanan
Subalit isang araw, sa balita ika'y magugulantang
Si Tarpolanong 'okey lang' pumanaw na't
Ulan sa buhay di na raw nakayanan.
Kung mga ulan sa buhay, ikay nabibigatan
Mga problema't pasani'y dina makayanan
Kay Jesus manalig at ika'y tutulungan
Magtiwa lang sa kanya't di ka pababayaan.
Sa Kanyang mga bisig at kamay
Ika'y magiging matatag at matibay
Tulad ng agila, di mapapagod sa paglipad at pagkampay
Ulan man sa buhay sa pagbuhos wala nang humpay
Hatid ma'y baha, ika'y di matatangay.
poem by Catherine Agunat

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Ang Pintor
Sa Pintor
ang langit ay nagkakulay
ang dagat ay nagkakulay
pati na rin ang bundok
at kapatagan.
Sa pintor
ang mga rosas
ay may iba't-ibang kulay
pati na rin ang mga ibon
at mga hayop sa bukid.
Sa Pintor
maging ang buhay ko
ay nagkakulay.
Subalit,
sa Pintor
wala pang sinuman
ang nakakakita.
Ang Pintor...
tunay na kulay ng kanyang buhay
sino....
ang makakapagpinta.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Kalbaryo
Kalbaryo
kahit sino ay may dala
sa ayaw at sa gusto mo
kahit ikaw ay may dala.
Iyong kalbaryo
kahit ayaw mo
kailangan mong dalhin
sapagkat ito'y sa iyo
at tanging ikaw lamang
ang makadadala.
Kung sakaling ikaw
ay makaramdam ng pagsuko
iyong alalahanin
si Kristong para sa iyo'y
buhay ay inalay
upang kalbaryong
sa Kanya'y iyong bigay
Kanyang madala
hanggang katapusan.
poem by Marites C. Cayetano

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Huwag Kang Yumuko Sa Purgatoryong Ito
‘Wag kang yumuko, kaibigan
lumakad ka sa ilalim ng buwan
at maligo sa kanyang liwanag
at wag mong itago ang iyong
anino na nais lamang sumayaw
sa kanyang maamong sinag
Lumakad ka sa apoy at
maligo ka sa nyebe, isuot
ang iyong pinaka-magarang
maskara, ngunit huwag
mong hayaan ang ilog
sa malalalim mong salamin
na matulog at di na gumising
o di kaya'y kalimutan ang
sining ng liwanag nito
Huwag mong sandalan ang
mga mayaybong na puno
dahil ito ay nakaugat sa lupang
hindi mababasag kahit pa
umaandar muli ang gulong ng
mga humintong orasan
at sa huli, ikaw rin ang maiiwan
Dumulong ka sa mga bulaklak
at hayaan mong mamukadkad
ang mga sinilid na hinagpis
dahil ito ang magbibigay kalansay
sa malamyang katawan na
sumasayaw at yumuyuko sa
marahas na hanging habagat
Ito ang magbibigay kalasag
sa marupok na kagandahan -
sa anyo ng matutulis na tinik
sa payat at walang laban na katawan
Huwag kang matakot
at huwag kang sumuko
hangga't mayroon pang
mga mumunting piraso ng
langit sa purgatoryong ito.
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!
Suntok Bago Magwakas
Patuloy na nagniningas
at humuhubog ng dahas
ang kamay ng langit,
ngunit wala na akong takot,
wala na akong kalaban
Ang aso sa pintuan
ay nagbibigay babala
ngunit pinagyayabong lamang
ang lihim na kagustuhan
upang himayin ang mga
nakasaklob sa kadiliman
Saan ba nagpupunta
ang pulutong ng ibon?
Bakit sila tumatakas?
Kumatok ako sa pintuan
umalingawngaw ang panawagan
Ang langit ay nalukot at
kumaskas ang mga bato
pinagliyab ang azul na apoy
sa likod ng kanyang telon
Ang aso ay tumalon
idinipensa ang matutulis na pangil
suminghal sa hangin
ngunit walang barikada
ang di tatanggap ng kaibigan
dahil sa matigas na kalamnan
nagtatago ang ningas
ng kanyang kahinaan,
naghihintay ng kamay
na tutugon sa saklolo
Hindi ako nagpatalo
sa pagbira ng delubyo
dahil ang klimang natutulog
sa marupok kong buto
ay masahol pa sa anyo
ng isang milyong anino
Ngunit bakit patuloy pa rin
ang paglisan ng mga ibon?
Hindi na ba muling dadaong
ang araw sa islang ito?
Patay na ang apoy
wala ng pintig and baga
nang ang kamay ay bumaba
at sumibol ang pag-asa
poem by Norman Santos

Submitted by Poetry Lover
Vote! | Copy!